The Schools Division Office continues preparations for the start of the Palarong Bicol 2026 in March in Legazpi City despite the continued activity of Mayon Volcano.

LEGAZPI CITY – Patuloy ang paghahanda ng Schools Division Office para sa pagsisimula ng Palarong Bicol 2026 sa Marso sa Legazpi City sa kabila ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Schools Division Office Legazpi City Spokesperson Santi Araña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa na ng mga meetings ang technical working group upang talakayin ang mga hakbang para sa matagumpay na pagsasagawa ng palaro sa lungsod.

Nakatakda ring bisitahin ng mga tournament manager at technical official ang mga playing venue upang malaman ang mga bagay na maaaring mapabuti at maidagdag sa lugar.

May mga ordinansa rin na ipapatupad na dapat sundin ng mga atleta, chaperone, at sports official dahil dapat bigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng bawat delegado lalo na kapag lumalabas sa gabi.

Sinabi ng opisyal na nakahanda ang mga paaralan sa Southern Barangays ng lungsod na magsilbing karagdagang mga billeting schools kung sakaling lumala ang sitwasyon ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nasa alert level 3.

Nanawagan si Araña sa mga delegado na sundin ang ordinansang ipatutupad upang mapanatili ang maayos na takbo ng laro at maiwasan ang anumang uri ng insidente.