LEGAZPI CITY—Malaking hamon din sa ngayon para sa mga apektadong hayop sa Barangay Quirangay, Camalig, Albay ang paghahanap ng pagkain dahil sa nararanasang ashfall dala ng nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.
Ayon kay Punong Barangay Ermel Grageda ng naturang lugar, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nahihirapan ang mga alagang hayop sa kanilang barangay katulad ng baka at kalabaw na maghanap ng makakain dahil sa namamatay rin ang mga pagkain nito kagaya ng dahon dahil na rin sa nasabing ashfall.
Aniya habang naibaba na ang mga alagang hayop na nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone ng bulkan ay kanila pa ring panawagan na matugunan ang mga pagkain ng mga ito.
Dagdag ng opisyal na iilan din sa mga alagang hayop ang ibinebenta na habang ito ay malulusog pa upang hindi rin malugi ang kanilang mga may-ari.
Giit pa ni Gregeda na naging benepisyaryo na rin sa cash-for-work program ng gobierno ang mga apektadong magsasaka sa kanilang lugar.
Samantala, nananawagan din ito sa kung sino man ang maaari sa kanilang tumulong ay kanila rin itong tatanggapin upang maipamahagi sa mga residenteng apektado ng pag-alburoto ng bulkan.









