Photo courtesy of facebook.com/Bongbong Marcos


LEGAZPI CITY – Naniniwala ang non-profit research institution na IBON Foundation na hindi na kailangan pa ang paggawad ng special economic powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay IBON foundation Executive Director Sonny Africa, pwedeng harapin ng Pangulo ang nararanasang krisis sa bansa ng walang special powers.

Dahil marami na aniya na binitawang salita ang Pangulo kaunay sa pagresolba ng kasalukuyang problema na dapat ay ginagawa na.

Ayon kay Africa, naaabuso kasi ang iginagawad na emergency powers dahil nawawala ang tamang proseso at hindi nababantayan ang galaw ng mga opisyal ng pamahalaan.

Halimbawa na lamang rito ang umano’y anomalyang nanyari sa Pharmally kung saan nilaktawan ang mga proseso sa procurement ng medical equipments.

Para kay Africa, lalo lamang itong magdudulot ng pagdududa ng publiko sa gobyerno.

Aniya, mas mahalagang iprayoridad ang pagbuo ng konkretong plano sa kinakaharap na krisis ng bansa lalo na ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.