LEGAZPI CITY- Naantala ang mga pagdinig sa kasong kinakaharap ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” dahil sa coronavirus disease pandemic.
Nahaharap si Bikoy sa kasong Cyber Libel kasunod ng video series nito na “Ang Totoong Narcolist” na laman ang mga akusasyon sa mga malalaking tao na iniuugnay sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Joseph Advincula, nakababatang kapatid ni Bikoy, kahapon nang magtungo sila sa korte sa lungsod ng Legazpi para sa arraignment ng kasong isinampa ni Resort Owner at Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy Co na isa sa mga nasabit sa kontrobersiyal na video.
Ayon kay Joseph, noong Mayo pa sana ang arraignment subalit naatras dahil sa pandemic habang hindi pa matukoy kung kailan ang pagtutuloy nito.
Kaugnay nito, inihayag pa ni Joseph na humingi na rin ng tawad si Bikoy sa kampo ni Co subalit nanindigan ang kabilang panig sa pagpapatuloy ng kaso.