LEGAZPI CITY – Naghihintay na lamang ng pormalidad sa pagdedeklarang African Swine Fever (ASF)-free ang ilang bayan sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Pancho Mella, provincial veterinarian, wala nang bagong kaso ng ASF na naitala sa Albay mula Marso 2020.
Tinutulungan ngayon ng tanggapan ang mga lokal na pamahalaan na makakumpleto na ng mga dokumentong kinakailangang isumite sa Department of Agriculture (DA) Bicol.
Lahat naman umano ay naka-comply na at pasado na hanggang sa sentineling subalit kulang pa sa dokumento kagaya ng farm profile o listahan ng mga farms sa nasasakupan maging ang geo-tagging.
Aminado si Mella na kahit masakit para sa mga hog raisers, epektibo ang estratehiya sa pagpigil ng pagkalat ng ASF ang ipinatupad sa culling sa mga baboy na nasa loob ng 500-m radius ng infected area.
Obligado umanong isakripisyo ang mga naturang baboy sa depopulation.
Ngayong linggo, hinihintay ang isusumiteng kumpletong dokumento ngMalilipot at Daraga at ire-review rin ng Provincial Veterinary Office saka ipapasa sa DA Bicol.
Kung ma-validate na aprubado na, ibabalik sa lokal na pamahalaan habang hawak na ng local chief executive ang deklarasyon ng ASF-free.
Hinihintay din ang iba pang dahil mas maigi pa rin umano kung buong lalawigan na ang sabay-sabay na makapag-comply, ayon pa kay Mella.