LEGAZPI CITY- Posibleng salubungin ng pag-uulan ang mga studyante ngayon sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2024-2025 dala ng nararanasan na epekto ng sama ng panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes weather specialist Jun Pantino, sinabi nitong patuloy na magpapaulan ang habagat at low pressure area na namataan sa Mindanao.
Bagamat malayo aniya sa Bicol region ang naturang LPA magdudulot pa rin ito ng mga pag-ulan sa rehiyon.
Dahil dito ay inabisuhan ng opisyal ang mga magulang at mga estudyante na patuloy lang na maghanda ng mga pananggalang sa ulan lalo na sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes.
Muli namang nagpa-alala ang mga otoridad sa mga lugar na nasa landslide at flood prone areas na patuloy na maging alerto sa mga posibleng maging sitwasyon dala ng sama ng panahon.