LEGAZPI CITY – Umapela ang mga lokal na opisyal sa bayan ng Manito, Albay na paigtingin ng mga barangay officials ang pagmonitor sa mga pumapasok na Locally Stranded Individuals (LSI) sa nasasakupang lugar.
Kahapon nang ihayag ng Department of Health Center for Health and Development (DOH CHD) Bicol na apat ang nakumpirmang positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan na kinabibilangan nina Bicol #115 na 35-anyos na factory worker, Bicol#116 na 33-anyos na housewife, Bicol#117 na 9-anyos na babae at Bicol#118 na 12-anyos na lalaki.
Nakasalamuha ang mga ito ng kamag-anak na si Bicol #93 na mula naman sa lungsod ng Legazpi.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sangguniang Bayan Committee on Health chairman at Municipal Councilor Marilou Dagsil, pawang nasa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na rin ang mga ito.
Sa gayon, kailangan umanong mas mag-ingat, limitahan ang pakikihalubilo at manatili sa loob ng bahay habang paigtingin ang pagpapatupad ng health protocols.
Nabatid na nasa higit 140 pa ang mga naka-quarantine sa mga itinalagang pasilidad sa iba’t ibang barangay.
Samantala, nagsagawa naman ng pulong ngayong araw sa naturang bayan kaugnay ng ilan pang isasagawang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang virus.