LEGAZPI CITY – Magpapatupad na ng mas mahigpit na pagbabantay at pagpapatrolya ang lokal na pamahalaan ng Camalig sa loob ng 6km permanent danger zone ng bulkang Mayon.
Ito ay kaugnay nang nadiskubre ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang inspeksyon sa Barangay Anoling na mayroong 50 pamilyang nanatili sa permanent danger zone sa kabila ng patuloy na aktibidad ng bulkang Mayon at nang ipinatupad na force evacuation sa mga nasa Mayon Unit Area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, agad na nagpatupad ng forced evacuation matapos na matanggap ang impormasyon mula sa ahensya.
Sa tulong ng Camalig Municipal Police Station, Municipal Social Welfare and Development Office at Municipal Disaster Response and Management Office ng naturang bayan, nailikas na ang nasabing mga pamilya.
Lahat naman umanong pamilya ay agarang sumunod at dinala sa mga temporary shelter sa Baligang Elementary School.
Ayon kay Baldo, una nang inilipat sa resettlement area sa Barangay Tagaytay ng kaparehong bayan ang naturang mga residente mula sa permanent danger zone, ngunit napag-alaman na muli itong bumalik sa lugar matapos na ipagbili ang mga tirahang ibinigay sa mga ito.
Ganoon pa man ay binigyan pa rin ng LGU Camalig ng mga food packs, sleeping kits at iba pang mga pangangailangan ang mga residente upang hindi na ito bumalik pa sa kani-kanilang bahay na nasa delikadong lugar.
Inamin naman ng opisyal na habang ipinapatupad ang forced evacuation ay mayroon pang mga nakasalubong na mga evacuees na sinubukan pa ring bumalik sa kani-kanilang mga tahanan upang magluto at tingnan ang kalagayan ng kanilang mga bahay, at nangakong babalik naman umano sa evacuation center.
Dahil sa nasabing insidente ay mas maghhigpit ang mga awtoridad sa pagbabantay kung saan obligado na ang lahat na magsulat sa logbook tuwing lalabas at papasok sa evacuation center upang ma-monitor kung bumabalik ang mga ito o hindi
Maliban rito ay mas hihigpitan na rin ang inilalatag na check point at pagpapatrolya ng mga kapulisan sa 6km permanent danger sone upang masiigurong wala nang mga makukulit na mga residenteng makakalusot patungo sa delikadong lugar.