LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na hindi madali ang pagbabalik ng school calendar.
Ito ay kasunod ng isinusulong ni Senator Win Gatchalian na ibalik ang dating school calendar dahil sa banta ng heat exhaustion at heat stroke sa mga estudyante at guro.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay TDC Chairperson Benjo Basas, posibleng abutin pa ng hanggang limang taon bago maibalik ang dating school calendar dahil hindi basta-basta ang tansition.
Lalo na ngayong taon na magtatapos ang school year sa buwan ng Hulyo at hindi naman pwedeng gawin ang pasukan sa Agosto.
Ayon kay Basas, hindi naman problema ang pagpasok ng mga estudyante sa panahin ng tag-init dahil maraming paraan na pwedeng gawin.
Kabilang na rito ang pagdagdag ng mga electric fan o aircon sa mga classroom at pagkakaroon ng maayos na bentilasyon.
Maaari rin aniyang huwang papasukin ang mga mag-aaral sa pagitan ng alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon na kasagsagan ng tindi ng init ng araw.
Sinabi pa ni Basas na sa pamamagitan ng naturang mungkahi ay posibleng hindi mauwi sa pagsasagawa na naman ng modular learning ang mga-aaral.