LEGAZPI CITY- Inihayag ni health reform advocate Dr. Tony Leachon na mali ang timing ng gobyerno sa pagpapababa sa alert status sa National Capital Region (NCR) na inilagay sa Alert Level 2 mula ngayong araw, Pebrero 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Leachon, tila hindi umano napag-isipan ng IATF ang magkakasunod na holiday na gaganapin ngayong buwan kagaya ng Chinese New Year ngayon mismong araw, Valentines day sa Pebrero 14 at ang pagsisimula na ng campaign period sa Pebrero 8.
Hindi inaalis ng eksperto ang posibilidad na lalo lamang na tataas ang kaso ng COVID 19 sa bansa partikular na sa mga probinsya dahil sa mga holiday na sinabayan pa ng pagpapababa ng restrictions.
Dahil dito panawagan ni Leachon sa publiko na bagaman ibinaba na ang alert level sa NCR panatilihin pa rin ang mahigpit na pagsunod sa mga health protocols lalo pa at may banta pa rin ng mas mabilis na nakakahawang omicron variant.