LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Catanduanes sa mga kababayan na huwag nang subuking lumapit sa lugar kung saan may makitang ipo-ipo.

Kaugnay ito nang namataang ipo-ipo ng mga residente sa Viga kahapon na nakuhanan pa ng video.

Paliwanag ni PAGASA Catanduanes chief Jun Pantino sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posible ang pamumuo ng mga ganitong phenomena sa lalawigan dahil una na ring nakapag-ulat ng kahalintulad na pangyayari sa Virac at San Andres noon.

Nilinaw naman ni Pantino na hindi na umabot sa dagat ang namataang ipo-ipo kaya’t walang naidulot na peligro.

Magiging mapaminsala lamang umano ito kung umabot sa dagat o sa mga kabahayan.

Pinaniniwalaang namuo ang naturang ipo-ipo dahil sa pagsasalubong ng mainit na panahon at malamig na hangin mula sa mga pag-ulan na dulot ng thunderstorm.