MAYON VOLCANO

LEGAZPI CITY-Ipinaliwanag ng isang Science Research Specialist na hindi makakaapekto ang posibleng pag-uulan na dala ng Bagyong Ada sa aktibidad ng Bulkang Mayon.


Ayon kay Phivolcs Science Research Specialist Dr. Paul Alanis, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na posible pa rin ang pagkakaroon ng lahar flow ngunit galing lamang ito sa mga nakatambak na deposito sa Bulkang Mayon noong mga nakaraang eruption.


Sa ngayon nasa 350 meters pa lamang ang haba ng lava flow mula sa crater ng Bulkang Mayon, at kung magkakaroon aniya ng paguulan ay kakaunti lamang ang kontribusyon dahil sa mga nakatambak sa paanan nito.


Nagbabala rin ang opisyal na hindi ibig sabihin ay ligtas na sa lahar flow ang mga nasa labas ng 6km permanent danger zone.


Mayroon aniya na mga naka-identify na mga lugar kung saan delikado at nakapaglagay na rin sila ng mga instrumento para bantayan at obserbahan ang mga ito.


Hindi rin tumitigil ang ahensya sa pagsasagawa ng obserbasyon sa Bulkang Mayon at sa pagbabantay ng mga posibleng makaapekto mula sa mga parameters nito.


Samantala mahigpit pa rin ang abiso ng ahensya sa lahat na maging alerto, iwasan ang pagpasok sa 6km permanent danger zone, at inirerekomenda ang paghahanda sa mga barangay officials sa posibleng preemptive evacuation.