LEGAZPI CITY- Suportado ng grupong Bantay Bigas ang planong pag-repeal o pag-amiyenda sa Rice Tarrification Law.

Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi napaunlad ng naturang batas ang sitwasyon ng mga lokal na magsasaka at mas nalubog pa sa utang.

Iginiit nito na hindi naramdaman ng mga mamamayang Pilipino ang layunin ng batas na mas mapababa ang presyo ng bigas sa P25 kada kilo.

Katunayan, sinabi ng grupo na simula ng maipatupad ang Rice Tarrification Law ay nagpatuloy ang pagsipa ng presyo ng bigas.

Sinabi ni Estavillo na kung sakaling magkaroon ng pag-amyenda sa probisyon ng batas, dapat na ibalik ang mandato ng National Food Authority na mag-subsidize sa presyo ng bigas.

Pinasisiguro rin nito ang pagpapalakas sa lokal na produksyon upang hindi umasa sa importasyon ng bigas.

Dagdag pa ng opisyal na kinakailangan ring magpatupad ng pagbabawal sa land use conversion na talamak na nangyayari sa kasalukuyang panahon.