LEGAZPI CITY- Inaasahan na malaking tulong sa lokal na mga magsasaga ang nakatakdang pag-export ng Albay ng sili o sambalas patungo sa Estados Unidos.

Ayon kay Department of Trade and Industry Albay Monitoring officer Senen Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na personal na nagtungo sa lalawigan ang isang negosyante na may Filipino-American citizenship upang makipag-usap sa tanggapan.

Plano umano na gawing chili paste ang naturang sili na ibebenta sa Amerika.

Paliwanag ng opisyal na malaking volume ng sili ang kukunin ng naturang buyer at inaasahan na magtutuloy-tuloy ito kung magiging maayos ang transaksyon.

Upang masiguro na kakayanin ang demand ay nakipag-ugnayan na ang ahensya sa iba’t ibang mga farmers association.

Ayon kay Briones na magandang oportunidad ito hindi lamang sa kalakalan kundi maging sa turismo dahil oras na makilala umano sa naturang bansa ang produktong sili ng Albay ay siguradong dadayuhin na ito ng mga turista.

Dagdag pa ng opisyal na direkta sa mga lokal na magsasaka ang pagbili ng sili at hindi na dadaan pa sa traders kaya malaking tulong umano ito sa mga Albayano.

Samantala, target naman na ma-materialize ang naturang kontrata ngayong taon lalo pa at sa Agosto ay inaasahan na ang pag-ani ng sili sa lalawigan.