LEGAZPI CITY – Pabor si Albay 3rd District Congressman Fernando Cabredo sa pagbibigay ng special emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cabredo, malaki aniya ang maitutulong ng House Bill 6616 o Bayanihan to Heal As One Act upang makontrol ang patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus sa bansa.
Matigas ang ulo ng ilan at ayaw sumunod sapagkat pino-problema umano ang araw-araw na pangangailangan subalit sa tulong ng panukala, maari aniyang maibsan ang maraming pangamba sa matatanggap na mga financial aids.
Ayon pa kay Cabredo, mas mapapangalagaan rin aniya ang mga “frontliners” at health workers at mapapadali rin ang pagbili sa mga kagamitan kontra COVID-19.
Pinawi rin ng mambabatas ang pangamba ng ilan na magkaroon ng pag-abuso sa poder lalo pa’t nakabantay naman aniya ang Commission on Audit (COA) at ilan pang tanggapan.
Kabilang ang naturang kongresista sa 284 na bumotong “Yes” sa paglusot ng panukala sa ikatlong pagbasa kung saan siyam ang “No” at walang nag-abstain.