The Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) emphasized that the eruption of Mayon Volcano could take more than six months.

LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring abutin ng mahigit anim na buwan ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, aabutin ito ng mahigit anim na buwan kung pagbabasehan ang mga template ng mga naitalang pagsabog ng bulkan noong mga nakaraang taon.

Nabanggit din nila na mayroong pagkakatulad sa pattern ng pagsabog ng Bulkan ngayong taon nang sumabog din ito noong 2023 na tumagal din ng anim na buwan.

Batay sa kanilang monitoring, hindi pa nila nakikita ang tyansa na kakalma na ang aktibidad ng Mayon at magpapatuloy pa rin ang paglabas ng mga deposito.

Iginiit din ng opisyal na hindi nila inirerekomenda ang paglikas ng mga nasa extended danger zones dahil ang mga bayan na maaapektuhan ng ashfall ay nakadepende sa direksyon ng hangin.

Nagbabala rin si Bacolcol na nananatiling mapanganib ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon at mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6KM permanent danger zone para na rin sa kanilang kaligtasan.