LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng matapos na sa mga susunod na linggo ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, base sa computation ng ahensya umabot na sa 16 million cubic meters ang volume ng volcanic materials na inilabas ng bulkang Mayon.
Nakikita aniya ang pagkakapareho nito sa 2009 eruption na umabot sa 20 million cubic meters ang ibinugang volcanic materials.
Sa assessment ng ahensya, wala namang namonitor na namuong lakas sa loob ng bulkan sa loob ng 40 araw pag-aalburoto na posibleng magresulta sa malakas na pagsabog.
Tanging ang silent eruption lamang ang naitala, patuloy na lava effusion, volcanic earthquakes, rockfall events, at mahihina lamang ang volcanic tremors.
Dahil sa nakitang pagkakapareho sa parametro sa pag-aalburoto nang 2009, nasabi ni Alanis na malapit ng matapos ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon.