LEGAZPI CITY – Nagpapaalala ang health authorities kung paano mapangangalagaan ang puso kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso at Philippine Heart Month.

Nakasaad sa Proclamation No. 1096 na pinirmahan noong Enero 9, 1973 ang pagdedeklara sa Pebrero bilang Philippine Heart Month sa layuning maipabatid na seryosong sakit ang heart disease at isang health concern sa mga Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Health Officer Dr. Antonio Ludovice, payo nitong isama sa healthy diet ang isda, gulay at prutas habang kung kakain naman ng karne, piliin ang lean meat.

Iwasan rin aniya ang sobra-sobrang pag-inom ng alak, paninigarilyo, at iba pang bisyo na nakakasama sa puso.

Ang labis namang pagpupuyat ay makakapagpahina sa puso maging ang stress sa anumang bagay.

Sa pagpapalakas aniya ng resistensya, dapat kaagapay ang tamang ehersisyo hindi lang pisikal, mental kundi maging sa emosyon.

Maliban sa Philippine Heart Month, paalala pa ni Ludovice na ipagpaliban na muna ang ilang physical contacts kagaya ng kissing upang hindi magkahawaan kung maysakit.

Mahigpit rin ang paalala sa pagsunod sa precautionary measures upang makaiwas sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).