LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pumasok na rin sa imbestigasyon patungkol sa pagsusuri sa application ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law para sa mga convicted prisoners.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC Commissioner Manuelito Luna, sakop aniya ng komisyon ang pag-iimbestiga sa prison officials partikular na kay Bureau of Corrections (BuCor) Nicanor Faeldon na in-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tututukan aniya sa pagsusuri ang computation at crediting sa good conduct maging sa mahuhukay na posibleng criminal offenses.
Nilinaw ni Luna na bukod sa isyu ng graft, may mandato rin ang PACC na mag-imbestiga sa iba pang paglabag sa batas na kinasasangkutan ng mga appointive officials. Nangako naman itong hihimayin nang maigi ang isyu para sa patas na kongklusyon habang binibigyan ng “benefit of the doubt” ang mga prison officials na sangkot.
Samantala, nagtungo rin sa Senado ang ilang opisyal ng PACC matapos na imbitahin sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.