PACC

LEGAZPI CITY – Ipinauubaya na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa konsensya ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief at kasalukuyang Senator Bato dela Rosa ang pagiging bukas sa imbestigasyon sa usapin ng kontrobersyal na pagpapalaya sa mga convicted sa heinous crimes sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Sinasabing may aabot sa 200 convicted felon sa heinous crime na nakalaya sa panahon ng panunungkulan ni Dela Rosa sa BuCor na nakatakdang busisisiin ng PACC.

Pagbubunyag ni PACC chairman Dante Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroong nakarating sa kanilang impormasyon na isang drug lord rin aniya ang nakalabas sa panahon ni Sen. Bato.

Ayon pa kay Jimenez na sino mang opisyal na uupo sa anumang posisyon ng pamahalaan ay dapat na maging tapat at maingat sa pagtatrabaho para sa publiko.

Samantala, iginagalang naman umano ni Jimenez ang kasalukuyang posisyon ni Sen. Bato.

Giit naman ni Jimenez na ire-request pa rin ang pagharap ng mga BuCor officials sa imbestigasyon mula taong 2013 upang magpaliwanag sa basehan sa isyu ng pagpapalaya sa mga convicted sa karumal-dumal na krimen sa ilalim ng GCTA.

PACC chairman Dante Jimenez