Naisumite na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Office of the President ang initial findings sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay ng mga maanomalyang proyekto na kinasangkutan umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at private contractors.
Kasunod nito, kinumpirma ni PACC Comm. Greco Belgica sa Bombo Radyo Legazpi na kabilang sa lumutang sa imbestigasyon ang 12 pangalan ng kongresista.
Iniuugnay ang mga nasabing mambabatas sa conspiracy sa mga proyektong sinasabing maanomalya.
Nilinaw naman ni Belgica na totoong hindi na sakop ng komisyon sa imbestigasyon ang mga kongresista na nasa legislative branch subalit bilang bahagi ng resulta, ibinigay pa rin ang listahan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ni Belgica na nagtatrabaho lamang sila ng tama at hindi maaaring magbulag-bulagan sa mga napag-alaman.
Ipinasa na rin umano sa tamang ahensya ang mga impormasyon kasabay ng pag-asam na tututukan ang nasabing findings.