LEGAZPI CITY – Isinusulong ngayon ng Makabayan bloc ng Kamara ang P750 na dagdag sahod para sa mga manggagawang Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, kailangan na magkaroon na ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa upang makasabay ang kanilang sweldo sa lalong tumataas na presyo ng mg bilihin sa bansa.
Ibinase umano ang P750 na hiling na dagdag sahod sa resulta ng pag-aaral ng IBON foundation kung saan lumabas na kailangan ng P1,200 ng isang pamilya na may limang miyembro upang magkaroon ng maayos ng kalidad ng pamumuhay.
Malayo pa ito kung ikukumpara sa minimum wage sa National Capital Region na nasa P610 lamang at lalo na sa mga probinsya na hindi pa lalampas sa P400 ang arawang sahod.
Umaasa ang kongresista na maipapasa na ngayong taon ang resolusyon para sa dagdag sahod upang matulongan ang mga naghihirap na manggagawang Pilipino