LEGAZPI CITY – Magbibigay ang National Irrigation Administration ng P50,000 na ayuda para sa mga magsasaka na makakapagpataas ng produksyon ng palay ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Gaudencio De Vera ang Regional Manager ng National Irrigation Administration Bicol, inilunsad ng kanilang opisina ang Contract farming program kung saan kokontratahin ang mga magsasaka na magtanim para sa “third cropping”.
Sa ilalim ng programa, magbibigay ang ahensya ng mga binhi at pataba na kailangan ng mga magsasaka.
Kailangan lang na mapatubo ito at makapag-ani ng hanggang limang toneladang palay sa kada ektarya ng sakahan.
Sakaling, magawa ito, nasa P50,000 na tulong pinansyal ang ibibigay ng ahensya.
Layunin umano ng programa na maengganyo ang mga magsasaka na mas pag-igihin pa ang pagtatanim at upang mapalakas na rin ang produksyon ng palay na magpapababa sa presyo ng bigas.
Sa ngayon may mga piling asosasyon na mula sa lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur ang nakasabay sa programa.