
LEGAZPI CITY – Umaaray na ang grupo ng mga magsasaka sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tinatayang halos P5,000 ang nadaragdag sa mga gastusin ng mga magsasaka para sa kanilang mga pangangailangan sa pagtatanim tulad ng mga irrigation pump.
Punto niya na kapag mataas ang gastos ng mga magsasaka sa pagtatanim ng mga produkto, naipapasa ito sa mga mamimili kaya tumataas ang presyo kapag umabot na ito sa merkado kung saan iniisip ng gobyerno na aksyon ay muling mag-angkat.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan na alisin ang excise tax at value added tax sa langis upang mabawasan ang kapital ng kanilang sektor ng agrikultura na magreresulta rin sa pagbaba ng presyo kapag naibenta na ang kanilang mga produkto.
Sinabi ng opisyal ang kabiguan ng gobyerno na gumawa ng anuman na aksyon tungkol sa cartel pricing ng mga kumpanya ng langis sa mga produktong petrolyo dahil sa oil deregulation law.
Diretsahan naman na sinabi ni Ramos na ang pagbibigay-kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin ang excise tax at value added tax sa langis ay band-aid solution lamang gayundin ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na nauuwi sa korapsyon.










