LEGAZPI CITY – Aabot sa P400,000 na halaga ng mga kontrabando ang sabay sabay na sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruben Sombon ang Consumer Protection Division Chief ng Department of Trade and Industry Bicol, nakuha ang mga kontrabando sa mga operasyon laban sa mga smugglers na iligal na nagbabiyahe o nagbebenta ng mga produkto.
Kasama sa mga winasak ng ahensya ay mga helmet, kable, pipes, electric fan, mga upuan at iba pa.
Isa-isa itong pinalo ng maso at pinasagasaan sa pison upang hindi mapakinabangan pa.
Ayon kay Sombon, walang dokumento ang mga produkto na wala ring Philippine Standard Quality Mark at Import Commodity Clearance Sticker kung kaya posibleng substandard at delikado ng gamitin.
Parte umano ito ng kampanya ng ahensya laban sa mga smugglers na nagpapalugi sa mga lehitimong nagnenegosyo at nagdadala ng panganib sa mga mamimili.