LEGAZPI CITY- Nasa kabuuang P4.5 million na insurance claims ang ipinaabot sa naulilang pamilya ng 11 mga pasahero na nasawi sa madugong aksidente sa Barangay Libod, Camalig, Albay.
Matatandaan na 11 ang casualties matapos mabangga ng isang truck ang isang pampasaherong van mula sa Nabua na patungo sana sa Legazpi.
Personal na dinala ng Passenger Accident Management and Insurance Agency, Inc. (PAMI) ang naturang halaga bilang pangunahing insurance provider ng Bicol Intercity Transport Cooperative (BITCOOP).
Ayon kay PAMI Assistant Vice President for Claims Jose Reyes na nasa P400,000 ang halaga na matatanggap ng pamilya ng bawat biktima.
Maliban dito ay nasa P100,000 rin ang ipapaabot sa nag-iisang survivor sa aksidente na kasakuluyang nagpapagaling pa sa pagamutan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang opisyal sa pamilya ng mga biktima.
Aniya, dapat na siguruhin na magagamit sa tama ang naturang claims lalo pa at walang katumbas na anumang halaga ang buhay ng kanilang namaalam na mahal sa buhay.











