LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang apat na biyahero na nagtangkang magpuslit ng iligal na droga sa pantalan ng lungsod ng Tabaco sa Albay na papasok sana sa lalawigan ng Catanduanes.
Kinilala ag mga ito na sina Michael Capistrano, 30-anyos, na residente ng Taguig City; Domingo Capistrano Jr, 50-anyos na taga-Muntinlupa City; Dante Subion, 35 at John Avila, 26-anyos na parehong nakatira sa Bislig, San Andres, Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCG Bicol spokesperon Lt. Commander Emman Avila, nakumpiska sa naturang mga indibidwal ang 50 gramo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na aabot sa P350,000.
Sa pagtutulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP at PCG matagumpay na naaresto ang naturang mga suspetsyado.
Sa tulong din ng K9 dogs, naamoy ang mga iligal na droga at sa pag-inspeksyon ng mga awtoridad tumambad ang ilang sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Sa kasalukuyan, nananatili ang mga naaresto sa kustodiya ng nakakasakop na himpilan.
Inihayag ni Avila na patunay lamang ito na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga pantalan at hindi magtatagumpay ang mga may masasamang intensyon.
Bago ito, matagumpay din na nasabat ng Philippine Coast Guard ang nasa P1.6 million na halaga ng smuggled na sigarilyo sa pantalan ng Matnog sa lalawigan ng Sorsogon na papuinta sanang Allen, Northern Samar.