
LEGAZPI CITY-Ipinahayag ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura o (SINAG) na hindi sasapat ang pinag-aaralang P3,000 na ayuda para sa mga mangingisda sa gitna ng patuloy na krisis sa produktong petrolyo.
Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kulang ito para sa mga mangingisda lalo na tumaas ang presyo ng Diesel na talagang dagdag konsumo para sa kanila araw-araw.
Sa ngayon, karamihan umano sa mga mangingisda ang hindi nakakapag-palaot at ang iba naman ay nakikisakay sa ibang mga bangka para lamang makatipid.
Dagdag pa niya na malaking pagkalugi ito na magreresulta sa maliit na kita habang dumarami ang gastos.
Mas maliit rin umano ang nakukuhang mga isda dahil rito at maliit na pera ang maiuuwi nila para sa kani-kanilang mga pamilya.
Pinangangambahan rin ng grupo ang kalaunan na dahil sa hindi sistematiko ang ayuda, posibleng mawala ang mga small fishers dahil sa kompetensya sa mga commercial fishers.
Binigyan diin pa niya na kung babasehan ang presyo ng gasolina ngayon, ay katumbas lamang ito ng 30 liters at magkukulang para sa pagpapalaot sa loob ng dalawang araw.
Sinabi pa niya na gumagawa rin ng paraan ang mga mangingisda upang hindi gumamit ng krudo ngunit hanggang saan ito aabot kung kapos pa rin sila sa pangangailangan ng gastos sa produksyon.










