LEGAZPI CITY – Suntok sa buwan umano ang pahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ‘achievable’ ang P20 na presyo sa kada kilo ng bigas pagdating ng 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, kumplikado ang naturang pahayag ng DAR lalo pang inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na magkakaroon ng P10 na taas presyo sa kada kilo ng bigas ngayong taon dahil sa pagtaas sa world market.
Lumalabas aniya na parang may kanya-kanyang programa ang mga ahensya ng pamahalaan kaugnay sa isyu ng food security ng bansa.
Base sa paliwanag ng DAR na magiging ‘attainable’ ang P20 kada kilo ng bigas dahil sa ipapatupad na fully mechanised farming kung saan sa 153,000 na hektarya ng rice plants ay pwedeng makaani ng 23 million metric tons ng palay.
Subalit ayon kay Estavillo, saan kukunin ang naturang hektarya ng lupain lalo pa’t ang mga palayan sa bansa ay small scale farming lamang.
Maliban na lang kung ita-transform ang malalawak na hacienda bilang palayan upang maabot ang 150,000 hectares ng rice plants.
Problema rin kung papano i-implementar sa ground lalo na sa klase ng industriya ng agrikultura na mayroon ang Pilipinas na isang ‘liberalized’ na ibig sabihin lahat ng gamit sa produksyon ay inaangkat pa sa ibang bansa.
Gayundin ang Rice Liberalization Law na bawal ang ‘intervention’ ng gobyerno sa presyo ng palay at bigas.
Ayon kay Estavillo, ang pinakamabuting gawin ng pamahalaan ay suportahan at tutukan ang industriya ng agrikultura sa bansa, paglaanan ng mataas na pondo at tulungan ang mga magsasaka.
Kinuwestyon din nito ang pakikialam ng DAR sa food security ng bansa imbes na tutukan na ma-ensure ang mga karapatan ng mga magsasaka sa sinasakang lupa.