LEGAZPI CITY – Matagumpay na nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P14.28 million na halaga ng ilegal na droga sa ikinasang operasyon sa Purok 1, Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Drug Enforcement Agency Sorsogon Provincial Officer Adrian Fajardo, nagsagawa ang tanggapan ng buy-bust operation katulong ang iba pang law enforcement unit na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang High Value Target Individual.
Kinilala ang mga ito na sina alyas ”Pam” at ”Ham” na mga edad 54-anyos at 22-anyos na pawang residente ng Lanao del Sur sa Mindanao.
Nakumpiska sa dalawang suspetsyado ang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na 100 grams at dalawang two vacuum-sealed Chinese tea bags na may laman din ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 2,000 grams.
Sa kabuuan, tinatayang umaabot sa P14,280,000 ang halaga ng naturang mga nakumpiskang ilegal na droga.
Ayon kay Fajardo, ito ang unang pagkakataon na nakasamsam ang mga otoridad ng ganito kalaking halaga ng iligal na droga.
Samantala, napag-alaman na mula sa Metro Manila ang dalawang suspetsyado at patungo sana sa Mindanao para ipagbili ang mga dalang ilegal na kontrabando.
Nananatili na ang mga ito sa kustodiya ng Matnog Municipal Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang bahagi ng pahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency Sorsogon Provincial Officer Adrian Fajardo