LEGAZPI CITY – Hiling ng labor group na magtuloy-tuloy na ang pagkakapasa ng panukalang nagdadagdag ng P100 sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Kahapon ay inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2534 o “An Act Providing for a 100 Pesos Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Federation of Free Workers Vice President Julius Cainglit, ikinatuwa ang pagpabor ng halos lahat ng senador sa naturang isinusulong na dagdag-sahod.

Maituturing aniya itong wage recovery dahil mababawi kahit papano ang nawalang sahod ng mga manggagawa sa loob mahabang panahon.

Sa ngayon ay umaasa ang grupo na hindi na papatagalin ng Kongreso ang pag-apruba sa dagdag na P100 daily minimum wage dahil mawawalan umano ito ng saysay kung papaabutinpa ng taon.

Ayon kay Cainglit, oras na tuluyan na itong maisabatas ay nangangahulugan lang na makikinabang na rin ang mga manggagawa sa naitalang growth rate ng bansa at hindi lang ang mga negosyante.

Aniya sa pagkakataong ito, dapat na mga employer na rin ang magsakripisyo at hindi lang mga empleyado upang makasabay naman sa patuloy na pagmahal ng presyo ng mga bilihin.