LEGAZPI CITY – Duda ang Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) na maibibigay pa ang ipinangakong fuel subsidy ng gobyerno para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers matapos ang linggohang oil price hike.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTOP president Orlando Marquez, sinabi nito na tila hindi seryoso ang pamahalaan at ginagawa lang publicity ang pangakong agad na ibibigay ang P1 billion na ayuda.
Naniniwala rin si Marquez na malabong ibigay ang ayuda tuwing magkakaroon ng rollback sa presyo ng langis.
Patutsada pa nito na tila ginagawa lang umanong pain ang naturang subsidiya tuwing may oil price hike upang manahik ang sektor ng transportasyon.
Una nang naghain ng petisyon ang LTOP at ibang transport group upang hingin ang P3 na dagdag-singil sa pamasahe para maibsan ang kalugiang dinaranas dahil sa serye ng oil price hike.