LEGAZPI CITY- Kahon-kahong smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.6 million ang nasabat ng Philippine Coast Guard sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCG Bicol spokesperon Lt. Commander Emman Avila, nasa kabuuang 16 na kahon ng sigarilyo ang nasamsam.

Una rito, hinarang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang puting Nissan Urvan ng walang maipresenta na resibo at mga papeles ang drayber at agad namang ipinagbigay alam ang insidente sa Bureau of Customs (BOC)-Bicol.

Napag-alamang mula ang van sa Parañaque City sa Manila at papunta sana sa Allen, Northern Samar.

Ayon kay Avila, tatlong indibidwal ang naaresto kabilang na ang driver at dalawang kasama nito.

Binigyang diin ng opisyal na maliit man o malaki na mga pantalan sa Bicol lahat ay mahigpit ang ginagawang pagbabantay at pag-iinspeksyon.

Kaya’t abiso nito sa mga biyahero na huwang nang tangkain na magpuslit ng anumang mga iligal na kontrabando dahil hindi rin magtatagumpay.