LEGAZPI CITY- Agad na nilinaw ng mga opisyal ng brgy Buraguis, Legazpi City na walang pagkukulang ang barangay sa pagbibigay ng abiso at pag-asikaso sa mga residenteng nasa landslide prone areas.
Ito’y matapos na makapagtala ng mga bitak sa kalsada at pagguho ng lupa sa Buraguis Puro Road at Purok 2 ng nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kap. Amelita Barizo ng Brgy. Buraguis, taon-taong nagkakaroon ng ganitong mga insidente tuwing panahon ng tag-ulan.
Ngunit marami umano sa mga residente ang hindi nakikinig sa mga paalala at abiso.
Kwento pa ng opisyal, matagal na silang nag-abiso sa mga residenteng kailangan nang lumipat sa relokasyon lalo pa’t base umano sa assessment nasa 300 na ang kwalipikadong mga residente na dapat ng lumipat.
Dagdag pa ni Barizo, marami rin sa mga residente ang hindi siniseryoso ang banta ng landslide hanggang sa magkaroon na mismo ng pagguho ng lupa.
Ang iba naman ay ayaw umanong umalis dahil sa katagalan na nitong naninirahan sa lugar.
Maliban pa rito, tumatanggi rin daw ang mga residenteng lumipat sa relokasyon dahil sa nasa ibang barangay na ito.
Samantalang, nakabantay na rin ang mga tanod sa kalsadang apektado ng pagguho ng lupa upang magabayan ang mga motorista at makaiwas sa anumang aksidente.
Sa kabilang dako, mahigpit na ring binabantayan at minimu-monitor ng mga opisyal ang posibleng mudflow na malaki ang posibilidad na pumasok sa laog ng kabahayan.
Kaugnay nito, ipinapanalangin ni Barizo na tumila na ang ulan lalo pa’t saturated na umano ang lupa kung kaya’t hindi na kaya pang i-absorb ang tubig-ulan.