
LEGAZPI CITY – Naalarma ang mga opisyal ng Barangay Mi-isi, Daraga, Albay sa pang-babastos ng ilang content creator sa “Green Lava” na isang atraksyon malapit sa Bulkang Mayon.
Matatandaang naging viral sa social media ang mga larawan ng dalawang indibidwal na nakahubad sa nasabing lugar at kahit na deleted na ang mga larawan, nakatanggap pa rin ito ng kritisismo mula sa publiko.
Ayon kay Kagawad Servando Loria sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagulat sila sa nangyari lalo na’t hindi naman nakikipag-ugnayan sa kanila ang mga turistang pupunta sa Green Lava.
Dahil sa insidente, gusto na nila ngayon na isuhestyon na mag-logbook muna sa kanilang barangay ang mga pupunta sa atraksyon upang malaman nila kung sino ang umaakyat sa lugar.
Ipinunto niya na hindi naman nila ipinagbabawal ang mga photoshoot ngunit huwag naman umanong gumawa ng mga bastos na bagay tulad ng nagtrending sa social media.
Sinabi ng opisyal na kahit na naglabas na ng anunsyo ang lokal na pamahalaan ng Daraga, umaasa sila na hindi na mauulit ang parehong insidente.
Aniya, ang insidente ay nagdulot din ng masamang imahe sa kanilang barangay dahil ang kanilang konseho ang masisisi sa hindi pagbabantay dito.
Nagbabala si Loria sa mga turista na bukas ang kanilang barangay at Green Lava ngunit siguraduhing huwag gumawa ng anumang kabastusan upang hindi mawalan ng gana ang ibang turista na bisitahin ang nasabing atraksyon.










