LEGAZPI CITY – Hinigpitan pa ng City Government of Tabaco ang apela sa mga nasasakupan na iwasan na ang pagkakasangkot sa iligal na droga at ipagpatuloy ang pagbabagong-buhay.
Ito matapos ang matagumpay na One Time Big Time Operation na pinangunahan ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkaka aresto ng 12 katao at pagkakakumpiska ng aabot sa P1 million halaga ng pinaniniwalaang shabu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Krissel Lagman-Luistro, kabilang ang Brgy. San Roque at Sto. Cristo sa urban area sa lungsod na may maraming populasyon at mataas na bilang ng mga sangkot sa illegal drugs.
Matagal na aniyang pinaalalahanan ang mga ito na magsailalim sa community-based rehabilitation subalit hindi nakipagtulungan sa City at Barangay Anti-Drug Abuse Councils.
Magigin ultimatum na aniya ang nangyari para sa mga drug personalities upang ayusin na ang kanilang buhay.
Nabatid pa na 45 sa 47 na barangay ng lungsod ang drug-affected habang may anim nang naideklarang drug-cleared.