Bombo International News Correspondent Catalina Lampago

LEGAZPI CITY- Nanawagan ang lider ng ilang grupo ng mga Overseas Filipino Workers sa Lebanon na maibaba na ang kasalukuyang alert level 3 sa naturang bansa dahil hindi naman umano sila apektado ng kaguluhan.

Matatandaan na isinailalim sa alert level 3 ang Lebanon dahil sa tensyon sa border sa pagitan ng Israel at Hezbollah.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Catalina Lampago na tinanggal ang pag-isyu ng Overseas Employment Certificate kaya marami sa mga Pilipino sa naturang bansa ang hindi magawang makauwi sa Pilipinas.

Batay kasi sa kasalukuyang sitwasyon ay maaring umuwi ang mga Pilipino sa Lebanon patungo sa Pilipinas subalit hindi na muna ito pahihintulutan na muling makabalik sa naturang bansa.

Aniya, nais rin nilang makapiling ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas subalit hindi ito magawa dahil sa pangamba na mawalan ng trabaho kung hindi na muling makakapasok sa Lebanon.

Umaasa si Lampago na sa pamamagitan ng Bombo Radyo ay maipapaabot kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na mabigyan sila ng Overseas Employment Certificate upang hindi harangin ang kanilang pagbiyahe.

Aniya, ilang ulit ng nagpaabot ng mensahe ang ilang grupo ng mga Overseas Filipino Workers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa DMW subalit tila hindi naririnig ang kanilang panawagan.