LEGAZPI CITY- Itinuturing na pangalawang buhay na ng isang Bicolano OFW ang paggaling sa coronavirus disease.
Lubos ang pasasalamat ni Mack Jay Rodrigueza, OFW sa Dubai at tubong Albay matapos na makalabas na ng ospital kasunod ng dalawang beses na pagnegatibo sa COVID-19 tests.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rodrigueza, inihayag nitong wala na rin ang sintomas ng sakit na una nang naranasan.
Aminado si Rodrigueza sa hirap na pinagdaanan sa ilang linggong pananatili sa pagamutan lalo na sa paninikip ng dibdib at kahirapan sa paghinga, kawalan ng panlasa at pang-amoy, ubo at iba pang sintomas.
Nagpasalamat rin ito sa Pinay nurse na nag-alaga sa kaniya sa ospital sa Dubai maging sa mga kapwa Pilipino na sumuporta upang malabanan ang sakit.
Samantala, abiso naman nito sa iba pang tinamaan ng sakit na palakasin lang ang kalusugan, magpahinga at sundin ang mga rekomendasyon ng doktor upang mabilis na gumaling sa sakit.