
LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang Office of the Civil Defense Bicol sa mga ipapatupad na hakbang sa gitna ng banta ng bagyong Ada.
Ito ay sa gitna ng pagbabantay ng tanggapan sa aktibidad ng bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay Office of the Civil Defense Bicol spokesperson Gremil Naz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagkaroon na ng pagpupulong kasama ang iba’t ibang mga tanggapan ng pamahalaan kung saan natalakay ang mga posibleng scenarios na kinakailangang bantayan.
Siniguro ng opisyal na walang dapat ipangamba ang publiko dahil kahit pa naka-deploy sa Albay ang ilang mga regional response assets ay mayroon pa ring sapat na mga assets na maaaring gamitin kung sakaling kailangan ng mga lokal na pamahalaan na posibleng maapektuhan ng naturang sama ng panahon.
Kaugnay nito ay hindi rin inaalis ang posibilidad na madagdagan pa ang mga kasalukuyang evacuees sa Albay dahil sa pinangangambahang epekto ng bagyong Ada.
Ayon kay Naz na isa sa mga napag-usapan sa kanilang pagpupulong ay pag pagsiguro na ligtas at naibibigay ang pangangailangan ng mga Bicolano sa panahon ng kalamidad.










