LEGAZPI CITY – Naka-blue alert na ang Office of Civil Defense (OCD) para sa pagbibigay ng seguridad sa publiko ngayong Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol Spokesperson Gremil Naz, kanselado muna ang bakasyon ng kanilang mga tauhan na obligadong magbantay sa sitwasyon ngayong Holy Week.
Aniya, nakahanda na ang buong tanggapan para sa pagresponde sa anumang mga emerhensya lalo pa’t karaniwang nakakapagtala ng mga insidente tuwing may mga ganitong okasyon.
Ayon kay Naz, mayroong mga tauhan ang tanggapan na naka-deploy sa mga pantalan sa rehiyon para tiyaking ligtas ang biyahe ng mga sasakyang pandagat at mga pasahero.
Mahigpit na ring nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police at mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay seguridad sa publiko.
Mananatiling nasa blue alert ang buong tanggapan hanggang sa pagtatapos ng Semana Santa at long weekend sa Abril.
Paalala rin ni Naz sa publiko lalo na sa mga babiyahe na ugaliin ang pagdodoble ingat at palaging tumawag sa mga kamag-anak o kakilala bago umalis sa pinanggalingang lugar.