Legazpi City- Nagbabala ngayon ang National Telecommunications Commission (NTC) Bicol sa publiko kasunod ng mga panibagong wave ng text scams.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NTC Bicol Regional Director Engr. Samuel S. Sabile, base sa natanggap na reklamo ng kanilang tanggapan ay may nagpapanggap bilang mga kawani ng nasabing opisina at nanghihingi ng pera sa mga indibidwal na umano’y sangkot ang kanilang cellphone number sa naturang text scam.
Ayon pa sa opisyal, mahalagang suriin muna nag mga mensaheng natatanggap at huwag nang i-click upang maiwasan ang naturang scam.
Sa ngayon, kalimitang nagtatanggap ng kanilang ahensya ay ang text messages na galing umano sa mga kaanak at humihingi ng pera, pasaload, promising job offers, at maging ang personalized o malicious text scams.
Aniya, kahit wala pa umanong mga ganitong uri ng insidente sa rehiyong Bicol ay bukas ang kanilang linya at opisina upang tumanggap ng reklamo sa mga subscriber upang masampahan ng kinauukulang kaso, at matuldukan ang ganitong problema.
Patuloy naman umano silang nakikipag-ugnayan sa hanay ng kapulisan, sa pamamagitan ng cybercrime divison upang habulin ang mga scammers.
Samantala, patuloy din ang kanilang kampanya lalo na at may mga indibidwal na nagbebenta umano ng pre-registered na simcard.
© Bombo Aiza Boral