LEGAZPI CITY—Bigo pa ring mahanap ng mga awtoridad sa kanilang ikatlong araw ng search and rescue operations ang naiulat na nawawalang mangingisda sa bayan ng Baras, Catanduanes.
Matatandaang nawawala simula noong Setyembre 16 ang mangingisdang nagngangalang Joseph Gonzales, 40 anyos, residente ng Barangay Danao ng nasabing bayan.
Ayon kay Coast Guard Station Catanduanes Chief of Staff Ensign Jepril Bitas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sakay umano ito ng puti na may guhit na pulang bangka, na siya rin ang nagmamay-ari, nang pumunta siya sa dagat kasama ang iba pang mangingisda dakong ala-1:00 ng madaling araw noong Setyembre 16.
Gayunpaman, bandang alas-5:00 ng umaga nang araw na iyon, napansin ng kanyang mga kasama na lumihis siya ng direksyon hanggang sa hindi na siya makita ng kanyang mga kapwa mangingisda.
Dagdag ni Bitas na matapos maiulat sa kanila ang insidente ay agad na nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Baras at sa pulisya para iberipika ang insidente.
Aniya, hindi pa nila nahahanap ang nawawalang mangingisda sa ikatlong araw ng search and rescue operations. Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga istasyon ng Coast Guard sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte; gayundin sa iba pang ahensya ng gobyerno, mga mangingisda, coastal communities kung sakaling mayroon silang maiulat tungkol sa insidente.
Bukod dito, isinagawa rin ang malawakang paghahanap sa nawawalang mangingisda sa pamamagitan ng dalawang air asset ng Philippine Air Force sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes, Office of the Civil Defense, MDRRMO Baras, at isang lokal na mangingisda na nagsilbing gabay sa paghahanap sa lugar, ngunit ayon sa opisyal, negatibo pa rin ang kanilang paghahanap.
Umapela rin ang opisyal sa publiko na sakaling may impormasyon sila tungkol sa nawawalang mangingisda, sa nawawalang bangka na pag-aari nito, o anumang palatandaan na may kaugnayan sa insidente ay agad na mag-report sa pinakamalapit na istasyon ng Coast Guard, MDRRMO, pulisya at mga opisyal ng barangay upang mapabilis ang kanilang pagresponde.