LEGAZPI CITY- Hindi napigilan ng malakas na pag-ulan sa lungsod ng Legazpi ang pagsasagawa ng national rally for peace ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo.

Nagtungo pa sa lungsod ang mga miyembro nito na mula sa iba’t ibang mga lalawigan sa rehiyong Bicol.
Kahapon pa lamang ay dumating na sa lalawigan ng Albay ang mga kalahok mula sa lalawigan ng Catanduanes, Masbate, Sorsogon, Camarines Sur, at Camarines Norte.

Ayon kay Legazpi City Police Station spokesperson Police Executive Master Sergeant Carlos Paña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mahigpit na seguridad ang kanilang initalag upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok sa aktibidad.

Tinaya naman na nasa humigit kumulang 30,000 na mga kasapi ng Iglesia ni Cristo ang dumalo sa naturang aktibidad na ginanap sa Sawangan park sa lungsod ng Legazpi.

Nabatid na naging mapayapa naman ang pagsisimula ng aktibidad sa kabila ng masamang lagay ng panahon.

Samantala, muling nagpaalala si Paña sa mga motorista na doblehin ang pag-iingat lalo pa at nakakaranas ng buhol-buhol na daloy na trapiko sa lungsod.