LEGAZPI CITY- Naglaan ang National Irrigation Administration ng nasa P1.5 billion na pondo para sa solar irrigation project sa rehiyong Bicol.
Ayon kay NIA Bicol Regional Manager Engineer Gaudencio De Vera sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malaking bahagi ng rehiyon ang wala pa ring sapat na irigasyon kaya pinaglaanan ng pondo ang naturang proyekto.
Sakaling makumpleto na ang naturang solar irrigation project ay mapapatubigan nito ang nasa 1, 800 hektarya ng sakahan at makikinabang an nasa 4,500 na mga magsasaka.
Nabatid na sa kasalukuyan ay nagpapatuloy na ang konstruksyon nito at target na matapos bago ang dry season crop sa buwan ng Disyembre.
Matatandaan na sa kalukuyan, karamihan sa mga pumping system sa rehiyon ay gumagana sa pamamagitan ng petrolyo o elektrisidad na nangangailangan ng mas malaking kapital para sa mga magsasaka.
Ayon kay De Vera na oras na matapos ang proyekto ay inaasahan pang tataas ang produksyon ng bigas sa Bicol.
Sa pamamagitan rin nito ay mas maagang makakapagtanim ang mga magsasaka at maaga ring makakapag ani kaya hindi na mangangamba pa na posibleng abutan ng sama ng panahon ang kanilang mga produkto.