LEGAZPI CITY-Umabot sa 700 pamilya ang inilikas sa Guinobatan Albay dahil sa epekto ng Southwest Mosoon o Habagat.
Ayon kay Guinobatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head, Joy Maravillas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na mula ito sa dalawang barangay sa nasabing lugar kabilang ang Barangay Maninila at Barangay Tandarora na nakaranas ng pagguho ng kalsada.
Nakaranas din aniya ang kanilang bayan ng pagbaha sa kalsada sa Barangay Masarawag na nagdulot ng debris sa lugar.
Dagdag pa ng opisyal, nagkaroon din ng baha sa bahagi ng Barangay Inamnan Pequeño, Barangay Minto at Barangay Maguiron.
Binabantayan din ang mga prone areas sa posibleng daloy ng lahar kabilang na ang Barangay Maninila at Barangay Tandarora.
Dagdag pa ng opisyal, madalas na binabaha ang mga lugar na ito kung sakaling umulan ngunit, humupa pa rin ito.
Sa kasalukuyan, maganda ang lagay ng panahon sa lugar ngunit nagbabala pa rin ang kanilang ahensya sa mga residente na maging mapagmatyag, makinig sa mga payo lalo na ang mga lehitimong balita, at makipag-ugnayan sa ahensya kung sakaling may mga insidente.