LEGAZPI CITY- Aminado ang pamahalaang panlalawigan ng Albay na hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon ng suliranin sa pondo kung sakaling tumagal ang aktibidad ng bulkang Mayon.
Ayon kay Albay Governor Noel Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung sakali na maitaas sa alert level 4 ang bulkan ay kinakailangan na ilikas ang mga nasa 7km hanggang 8km extended danger zone.
Katumbas umano ito ng tinatayang nasa 50,000 hanggang 70,000 na mga residente na kinakailangan na suportahan ng pamahalaang panlalawigan.
Nangangahulugan ito na mas mataas umano ang pondo na kinakailangan para sa pagkain at iba pang pangangailangan ng mga maaapektuhang residente.
Mabuti na lamang umano na mabilis ring nagpapaabot ng tulong ang national government kaya mas napapagaan ang sitwasyon.











