LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng mga kinauukulan na nagkaroon ng pagdausdos ng lahar mula sa Bulkang Mayon dahil sa matinding mga pag-ulan na naranasan sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nasukat ang nasa .5 meters na kapal ng lahar.
Napa apekto umano ito sa anim na mga barangay mula sa mga bayan ng Camalig, Daraga, Guinobatan at lungsod ng Legazpi.
Sa kasalukuyan ay hindi pa umano makumpirma kung mula sa eruption noong nakalipas na taon ang naturang mga lahar deposits o ang mga luma pang volcanic materials.
Paliwanag ni Bacolcol na stranded kasi ang team ng tanggapan na ipinadala sana upang mag-inspeksyon sa sitwasyon, dahil sa mga pagbaha na naranasan sa Bicol region.
Aniya, layunin sana ng naturang team na ma-calculate ang kabuuang volume ng dumausdos na lahar at iba pang mga aktibidad ng Mayon volcano.
Matatandaan na ayon sa state weather bureau na katumbas ng pang tatlong buwan na ulan ang naranasan sa lalawigan ng Albay sa loob lamang ng isang araw.