LEGAZPI CITY- Pansamantalang nakikisabay sa ibang klasrum o nagkakaroon ng modular-set-up ang mga estudyanteng nawalan ng silid-aralan sa Dimasalang Central School sa probinsya ng Masbate.

Ito’y matapos na matupok ng apoy ang tatlong mga silid-aran nitong nakaraang Martes, Marso 13.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mark Anthony Rosal, Division Coordinator ng DRRM ng Schools Division Office Masbate, tinatayang nasa 120 na mga Grade 3 at Grade 4 na mga estudyante ang kasalukuyang nasa shifting upang maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral sa likod ng nangyaring insidente.

Paliwanag ng opisyal, luma na ang nasabing mga klasrum ngunit kamakailan lang umano nang ipaayos ito, kung kaya’t wala pang makitang pinal na rason o dahilan kung saan nagsimula ang sunog.

On-going pa hanggang ngayon ang imbestigasyon, ngunit ayon kay Rosal sa inisyal na datos ay aabot na sa P4.5 milyon halaga ng natupok, at hindi pa kasama ang mga gamit at appliances na nasa loob ng tatlong kasrum.

Malaki naman ang naging pasasalamat ng eskwelahan ng walang nasaktan o nasugutan na mga guro o estudyante sa insidente, dahil lunch break umano ng sumiklab ang sunog.

Samantala ayon kay Rosal, base sa naging assessment, negatibo nang magamit pang muli ang mga silid-aralan dahil maging ang mga sementong-dingding nito ay pumutok at sirang-sira na.