LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng Matnog Port sa Sorsogon sa kabila ng mga nararanasang sama ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, nagkaroon lang ng delay sa pag-alis at pagdating ng mga barko dahil sa malalaking alon ng karagatan.

Sa normal na araw, inaabot lang ng hanggang isa’t may kalahating oras ang biyahe subalit ngayon ay umaabot na sa halos dalawang oras o lagpas pa dahil hinihintay na bumuti ang lagay ng panahon.

Ito ay upang hindi makompromismo ang kaligtasan ang mga pasahero at rolling cargoes.

Subalit sa kabila ng pagkaantala ng biyahe, sinabi ni Galindes na hindi naman ito nagdulot ng mahabang pila dahil hindi naman dagsa ang mga pasahero sa ganitong mga buwan.

Samantala, nanawagan naman ang opisyal sa ibang mga biyahero na pwedeng gamitin ang mga alternatibong pantalan sa Bicol na hindi masyadong apektado ng sama ng panahon.

Kasama na rito ang mga pantalan ng Pio Duran at Pilar na patungong Masbate at mula rito ay pwede ng sumakay papuntang Cebu na may iba’t-ibang ruta patawid ng Visayas at Mindanao.