LEGAZPI CITY – Napabayaang gasera ang pinaniniwalaang dahilan ng nangyaring sunog sa isang bahay sa Barangay San Juan sa lungsod ng Tabaco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fire Officer 3 Edison Gonzales ang Chief of Investigation ng Tabaco Bureau of Fire Protection, bandang alas 12:11 ng tanghali ng makatanggap ng tawag ang kanilang opisina tungkol sa nangyayaring sunog sa nasabing barangay.
Agad naman na rumesponde ang mga bumbero na mabilis na naapula ang apoy matapos ang kalahating oras.
Nasunog ang ikalawang palapag ng bahay subalit wala namang ibang gusali ang nadamay at wala rin natalang nasaktan sa insidente.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng mga otoridad na nagluto ang may ari ng bahay at naiwan na nakasindi ang gasera na siyang pinaniniwalaang pinagsimulan ng sunog.
Payo ng opisyal na palaging mag-ingat at patayin ang mga bagay na posibleng pagmulan ng apoy upang makaiwas sa mga kaparehong insidente.